Linggo, Hunyo 14, 2015

History NEVER repeats itself!

         Maraming nangyari sa ating kasaysayan na tumatak sa isipan ng bawat tao sa mundo. Iba’t ibang emosyon ang nasilayan ng mga tao: lungkot, saya, galit, pagkagulat, at marami pang iba. Noong mga panahong pulos gyera ang maririnig na balita sa bawat panig ng mundo, hindi maiiwasan na mapuno ng takot at pangamba ang damdamin ng bawat tao. Mga pagkakamaling nagawa ng dahil lamang sa kagipitan ng kalayaan. Mismong mga magkababayan ay nagkaroon ng tunggalian. Imbis na magtulungan upang makamit ang kalayaan, ay naghihilahan pababa sa kahirapan. Bakit naging ganoon na lamang kasakim ang mga tao?

          Komplikasyon sa bawat lahi sa iba’t-ibang panig ng mundo, ay hindi rin maiiwasan. Lalo na’t magkakaiba ng kinagisnang paniniwala at kultura. Ngunit sa kabila ng pagkakaibang ito’y, nagkaroon ng kalakalan ng kultura. Mga dayuhang walang tigil sa pagsuyo sa mga pinuno ng mga tribong naninirahan sa mga islang hitik sa yaman ng kalikasan. Nagnanais na makibahagi sa yamang taglay, kapalit ang mga bagay na kapakipakinabang naman sa mga tao sa tribo. Patuloy na komunikasyon ng iba’t ibang lahi’y nakapagpaunlad sa bawat panig. Hindi nga naman sa lahat ng panahon ay masama ang pakikibagay sa mga dayuhan.

          Mga kasakitan na dumadapo sa katawan ng bawat tao, na noo’y di malunasan. Paghihirap sa mga ganitong klase ng bagay ay ang naging inspirasyon ng mga imbentor at mga taong may kakayahan na palawakin ang kani-kanilang imahinasyon. Ilang buwan, ilang taon, ilang dekada’y nagkaroon ng mga lunas sa mga sakit, nakagawa ng mga bagay na nakapagpapadali sa ating pamumuhay sa mundo. Mga kamaliang nagawa ay di inalintana, mayroon nga daw kasabihang, “Try and try until you succeed.” Dahil para sa mga imbentor at mga nakatuklas ng mga bagay-bagay sa mundo, ang isang pagkakamali ay dapat na lang ibaon sa kasaysayan, dahil hindi na iyon mauulit. Maaaring ang sitwasyon ay umulit, ngunit ang pagkakamali ay mapapalitan na ng bagong pamamaraan na magbubunga ng katagumpayan.

          Hindi umuulit ang kasaysayan, ang umuulit ay ang sitwasyon o kalagayan. Dahil ang kasaysayan ay mananatili sa nakaraan at ang sitwasyon ay maaari na lang ulit maranasan. Sa pagkakataong ang sitwasyong iyon ay maulit, mga pagkakamali ay maaari ng maitama, mga karanasan ay maaaring mabago, mga emosyon ay maaaring mapalitan. Kung ako ang tatanungin, anong sitwasyon ang gusto kong balikan? Maari kong isagot ay isa sa mga sitwasyon ko kung saan nakagawa ako ng mali, upang maitama na iyon. Maaari rin naming isang pangyayari na nakapagpasaya sakin ng sobra at nais kong maulit at marami pang iba. Ngunit sa dami ng mga iyon, bakit ko nga ba gugustuhing maulit, kung maaari naman akong gumawa ng bagong karanasan? Ang kasaysayan ay mananatili sa nakaraan at ang sitwasyon ay maaari pa nating maranasan muli.

          Bakit nga ba nangyari ang mga bagay na iyon sa ating kasaysayan? Bilang isang estudyante, kasalukuyan na naming pinag-aaralan ang mga bagay-bagay tungkol sa kasaysayan. Mga pangyayaring maaring magdala ng lungkot at katuwaan sa ating lahat. Mga pangyayaring maaari nating maipagmalaki. Pagtuklas sa mga bagay na gawain ng mga scientists, pagiimbento ng mga makabagong bagay ng mga imbentor, paglikha ng kulturang kinasanayan natin, lahat ng ito ay dahil sa malawak na imahinasyon ng mga tao. Lahat ay magiging posible sa ating imahinasyon kung tayo ay magiging determinado sa buhay. Sabi nga sa isang komersyal sa T.V. “Imagination mo ang limit!” Hangga’t kaya ng ating isipan na mag-isip ng paraan upang umunlad ang ating bayan, magagawa nating mag-ambag para sa ating kasaysayan. Malay mo, isa ka sa maging sikat na imbentor? Hindi iyon imposible kung gagawa tayo ng ating paraan. Sabi ng karamihan sa mga kabataang gaya ko, “Walang Forever!” Para sa akin, “Forever do exist.” Iyon ay dahil hindi naman natin kailangan pagbasehan kung ano ang mga naging karanasan ng iba sa kanilang buhay. May sarili tayong pamumuhay at magkakaroon tayo ng forever kung gugustuhin natin. Ang mga karanasan natin ay mananatili nalamang na alaala ng ating nakaraan. Maaari ngang maulit ang mga iyon ngunit hindi na ang kasaysayan noon. Dahil mababago natin ang ating kapalaran kung nanaisin nating magkaroon ng bagong karanasan. Sa huli, akin paring paninindigan na hindi umuulit ang kasaysayan, ang umuulit ay ang sitwasyon o kalagayan.